January 09, 2023
Nakipag-pulong si Governor Boboy Hamor at 2nd District Congressman Wowo Fortes kasama ang iba pang opisyal ng Lalawigan ng Sorsogon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman noong nakaraang lingo upang hingiin ang tulong ng ahensiya sa pagsisikap ng Pamahalaang Panlalawigan na ma solusyunan ang problema ng port congestion sa bayan ng Matnog.
Sa pulong iprenesinta ni Mr. Bobby Gigantone ng SPTCAO ang mga problemang hinaharap ng Pamahalaang Panlalawigan may kaugnayan sa mga nagsasanga-sangang problema sa daungan na naglalagay sa masamang imahe sa publiko ng lalawigan.
Sa pagharap ni Governor Boboy ipinaliwanag nito ang nakita niyang solusyon upang malutas ang pangmatagalan ng problema, aniya, kailangan lamang na palawakin ang Matnog Port upang matugunan ang paulit-ulit na problema ng congestion.
Sa isang AVP presentation ipinakita ang iminumungkahing reclamation ng higit sampung ektaryang lugar katabi ng kasalukuyang daungan kung saan kaya ditong ilagay ang higit dalawang libong sasakyan na hindi na makakasagabal sa kahabaan ng kalsada ng Matnog at katabing mga bayan tuwing nagkakaroon ng port congestion.
Wala namang pagtutol ang PPA sa iminungkahing proyekto ng pamahalaang panlalawigan dahil nakikita nilang mas praktikal ito kumpara sa naunang plano na lagyan ng bagong daungan sa bayan ng Sta. Magdalena.
Kumbinsido naman ang Department of Budget and Management sa iprenesenta ni Governor Boboy Hamor at iminungkahi ng mga opisyal nito na madaliin na lamang ang pagsasa-ayos ng MOA sa pagitan ng DOTR at PPA para magamit na ang humigit kumulang na 500 million na pondo para mapalawak ang Matnog Port.