May 25, 2026 Pormal nang sinimulan ngayong linggo ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon ang 1st Evaluation para sa mga shortlisted schools na kalahok sa 7K Champions Program sa ilalim ng 7K PLUS.
Layunin ng programa na kilalanin ang mga paaralang nangunguna sa pagpapanatili ng kalinisan, maayos na kapaligiran, school beautification, at pagpapatupad ng mga programang sumusuporta sa holistic development ng mga mag-aaral.
Binubuo ang kompetisyon ng tatlong pangunahing kategorya: Gawad Kalinigan sa Paaralan para sa kalinisan at waste management, Gulayan sa Masaganang Paaralan para sa pagpapaunlad ng school gardens at food sustainability, at Bida Kagandahan sa Paaralan na nakatuon sa beautification at child-friendly learning environment.
Naging bahagi ng unang evaluation ang mga paaralan sa Sorsogon West noong Mayo 25, Castilla noong Mayo 26, at nakatakda naman sa Mayo 28 ang Bacon District at Prieto Diaz.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, dalawang evaluation ang isasagawa bago ang awarding ceremony sa Oktubre. Ang unang assessment ay ngayong Mayo hanggang Hunyo habang ang ikalawang evaluation ay gagawin sa Agosto hanggang Setyembre upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagpapanatili ng mga programa sa mga paaralan.