April 8, 2026 Mariing ipinag-utos ni Governor Boboy Hamor sa Sorsogon Police Provincial Office ang tuluyang pagpapatigil ng operasyon ng tupada sa buong lalawigan. Sa isang pulong kasama ang 15 hepe ng pulisya, kabilang si Police Provincial Director P/Col. Alex Daniel, malinaw na ipinaabot ng gobernador ang kanyang direktiba laban sa ilegal na sabong.
Ayon kay Governor Hamor, kinakailangan nang wakasan ang tupada dahil sa masamang epekto nito sa kabuhayan at kinabukasan ng mga pamilya. Aniya, ang perang dapat sana’y inilaan para sa edukasyon ng mga anak ay nauuwi lamang sa pagsusugal. Ibinahagi rin ng gobernador ang kanyang pangamba sa mababang bilang ng mga senior high school graduates sa lalawigan na nagpapatuloy sa kolehiyo, na tinatayang nasa 37 percent lamang.
Kasabay nito, nilinaw ng gobernador na ang sabong ay maaari lamang isagawa sa mga lehitimong sabungan at tanging tuwing Sabado at Linggo. Mahigpit ding ipinagbawal ang pagsasagawa ng sabong tuwing fiesta sa mga barangay sabay pahayag ng gobernador na hindi niya papayagan ang pag-gamit ng kanyang pangalan sa ngalan ng pulitika.
Nagbigay rin ng babala si Governor Boboy sa kapulisan hinggil sa mahigpit na pagpapatupad ng kanyang kautusan. Ipatutupad umano ang one strike policy laban sa mga police station na mabibigong sundin ang direktiba.
Dagdag pa ng gobernador, mahalagang papel ang ginagampanan ng kapulisan sa pagpapanatili ng kaayusan sa lalawigan, at isa sa pinakamahalagang hakbang na maaari nilang gawin ay ang tuluyang pagsugpo sa ilegal na sabong sa buong probinsiya ng Sorsogon.