April 7, 2026 Nagpatawag ng meeting ngayong hapon si Governor Boboy Hamor kasama ang lahat ng alkalde sa lalawigan upang ilahad ang mga programang ipatutupad ng Pamahalaang Panlalawigan bilang tugon sa patuloy na krisis sa presyo ng langis.
Sa naturang meeting, ipinaliwanag ng gobernador ang kabuuang plano ng probinsya kabilang ang pagpapatupad ng community pantry para sa sektor ng transportasyon, libreng sakay para sa mga commuter, at ang work from home set up para sa mga empleyado ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng produktong petrolyo.
Malinaw na inilahad ni Governor Boboy kung paano ipatutupad ang bawat programa upang matiyak na direktang makikinabang ang mga apektadong sektor, lalo na ang mga driver at operator na lubhang tinamaan ng pagtaas ng presyo ng gasolina.
Bilang tugon, buong suporta ang ipinahayag ng mga alkalde sa mga inisyatiba ng probinsya at nangakong ipatutupad din ang mga kaparehong hakbang sa kani-kanilang mga lokalidad upang mapalawak ang abot ng tulong.
Samantala, inaprubahan naman ng Sangguniang Panlalawigan sa pangunguna ni Vice Governor Jun Escudero ang pagbibigay ng subsidiya upang masuportahan ang implementasyon ng community pantry para sa transport sector sa buong lalawigan.
Hinimok din ng gobernador ang mga mayors na ipagpaliban o kanselahin ang mga nakatakdang summer activities upang makatipid ang pamahalaan at mailaan ang pondo sa mga mas mahahalagang pangangailangan sa gitna ng kasalukuyang krisis.