March 31, 2026 Isinagawa ngayong araw, Marso 31, 2026, ang ikalawang Stakeholders Meeting bilang paghahanda sa implementasyon ng Beyond K-12 Educational Assistance Program sa ilalim ng 7K Kadunungan Program ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon.
Ang pagpupulong ay personal na pinangunahan ni Governor Boboy Hamor kasama ang Sangguniaang Panlalawigan members, Kadunungan Project Manager na si G. Arthur Balmadrid, technical team at mga kinatawan mula sa iba’t ibang paaralan—community colleges, universities, at private institutions—mga magiging partner Higher Education Institutions (HEI) ng Kapitolyo.
Sa naturang meeting, ibinahagi ni Ms.Sha Gacosta, Program Secretariat ang implementation guidelines ng programa na naglalayong tugunan ang mga hamon ng kabataan—lalo na ang kakulangan sa pinansyal—na nagiging hadlang ng mga Kabataang Sorsoganon sa kanilang pagpasok at pagtatapos sa kolehiyo.
Sa pamaamgitan ng ordinansa na ipapasa ng Sangguniang Panlalawigan, sa ilalim ng programa ay sasagutin ng Pamahalaang Panlalawigan ang 60% na gastusin ng estudyante kung saan saklaw nito ang tuition fees, miscellaneous at other fixed fees na required ng mga private HEI habang sa mga community colleges naman na may free tuition ay magbibigay ng weekly stipend para sa food at transportation allowance na aabot sa 1,000 piso per week.
Dagdag pa, sinabi rin ni Governor Hamor na isasama ang GMRC at counseling upang hubugin ang mga mag-aaral na maging tapat, mapagkumbaba, at maasikasong Sorsoganon.
Inaasahang magsisimula ang programang ito para sa mga incoming college students ngayong darating na pasukan. Isang hakbang na isusulong tungo sa mas maraming oportunidad at mas maliwanag na kinabukasan para sa kabataang Sorsoganon.