April 13, 2026 Buong tapang at determinasyon na muling iginiit ni Governor Boboy Hamor ang kanyang mahigpit na kautusan laban sa operasyon ng tupada sa lalawigan, kasabay ng kanyang direktang panawagan sa mga punong barangay ng Matnog ngayong araw.
Sa kanyang mensahe, malinaw na ipinahayag ng gobernador na mula May 1 hanggang June 15, 2026, mahigpit na ipatutupad ang pagbabawal sa anumang uri ng ilegal na sabong sa buong Sorsogon. Ang naturang hakbang ay nakatuon sa isang mahalagang layunin; ang maprotektahan ang kinabukasan ng kabataang Sorsoganon.
“Dili mababari an suromaton ko,” mariing pahayag ni Governor Boboy, na nagpapakita ng kanyang paninindigan na hindi siya uurong sa laban kontra tupada, lalo na sa panahong kritikal para sa paghahanda ng gastusin sa pag-aaral ng mga bata.
Ayon sa gobernador, panahon na ng paghahanda para sa pasukan, at hindi dapat nauuwi sa sabong ang perang dapat sana’y nakalaan para sa matrikula, uniporme, at iba pang pangangailangan sa edukasyon. Binigyang-diin niya na bilang pinuno ng lalawigan, responsibilidad niyang tiyakin na hindi nasasayang ang kinabukasan ng mga kabataan.
Dagdag pa niya, ang kanyang direktiba ay hindi isang pagpapakita ng kapangyarihan kundi isang hakbang na nakaugat sa malasakit at pananagutan. “Hindi ko ginagamit ang poder para mang-api,” ani ng gobernador, “kundi para protektahan ang kapakanan ng bawat Sorsoganon, lalo na ang ating mga mag-aaral.”
Hinimok din ni Governor Boboy ang lahat ng barangay captains na maging katuwang ng kapitolyo sa pagpapatupad ng kautusan, at tiyakin na ang kanilang mga nasasakupan ay sumusunod sa batas at nakatuon sa mas makabuluhang layunin, ang edukasyon at kinabukasan ng mga Sorsoganon.