Official Website

Ceremonial Groundbreaking ng Sorsogon 2nd District Provincial Hospital sa Irosin, Isinagawa

January 17, 2025

Pinangunahan ngayong araw nina Governor Boboy Hamor at 2nd District Congressman Wowo Fortes ang makasaysayang ceremonial groundbreaking ng itatayong Sorsogon 2nd District Provincial Hospital sa Barangay Buenavista, Irosin, Sorsogon. Ang proyektong ito, na may target na simulan ang konstruksyon sa susunod na buwan, ay naglalayong magkaroon ng 250-bed capacity na ospital na kumpleto sa makabago at de-kalidad na mga pasilidad at kagamitan. Layon ng bagong ospital na maibsan ang pagsisiksikan sa Sorsogon Provincial Hospital, dahil dito na maaaring magpagamot ang mga pasyente mula sa mga karatig-bayan ng Bulan, Sta. Magdalena, Matnog, Bulusan, at Juban. Ayon kay Governor Boboy Hamor, ito ay isang patunay na walang imposibleng maabot kung pinagsama ang kanyang matibay na hangarin at ang pag-pursige ni Congressman Wowo Fortes para sa ikauunlad ng lalawigan. “Ang proyektong ito ay hindi lamang simbolo ng progreso kundi ng tunay na malasakit sa ating mga kababayan. Ang hangarin natin ay masigurong may sapat at abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa bawat Sorsoganon,” ani ni Governor Hamor sa kanyang talumpati.

Kasama rin sa seremonya sina Vice Governor Jun Escudero, mga miyembro ng Sangguniang Panlalawigan, lokal at barangay na opisyal ng Irosin, pati na rin ang mga kinatawan mula sa Department of Health (DOH) at Department of Public Works and Highways (DPWH). Dumalo rin ang iba’t ibang pinuno ng tanggapan ng Pamahalaang Panlalawigan bilang suporta sa proyekto. Binanggit din ni Congressman Fortes na ang proyektong ito ay isa lamang sa mga pangunahing hakbang upang maisulong ang mas mataas na kalidad ng serbisyong pangkalusugan sa ikalawang distrito ng Sorsogon. “Hindi ito ang wakas kundi simula pa lamang ng ating mga plano upang dalhin ang mas maayos na kinabukasan para sa ating mga kababayan,” ani Fortes.

Inaasahang ang bagong ospital ay magiging isang modernong pasilidad na may kakayahang tugunan ang iba’t ibang kaso, mula sa pangkalahatang check-up hanggang sa mas seryosong paggamot. Higit pa rito, magsisilbi rin itong lugar ng pag-asa para sa mga residente ng lalawigan na nangangailangan ng serbisyong medikal na mas malapit at mas accessible. Sa pagtatapos ng seremonya, pinasalamatan ni Governor Hamor ang lahat ng mga ahensya at indibidwal na tumulong upang maisakatuparan ang proyektong ito. Aniya, ang proyekto ay isa lamang sa marami pang nakaplanong inisyatibo ng pamahalaang panlalawigan para sa kapakanan ng mga Sorsoganon. #UnaAnSorsoganon

Scroll to Top