May 12, 2026 Ito ang naging pahayag ni Sorsogon Governor Boboy Hamor kasabay ng pagtatapos nito ng pagbisita sa mga himpilan ng pulisya sa lalawigan ngayong araw bilang bahagi ng kanyang patuloy na kampanya para mapanatili ang katahimikan at kaayusan sa probinsya.
Maaga pa lamang ay nagtungo na ang gobernador sa Magallanes MPS bilang unang himpilan na kanyang binisita. Dito ay pinuri ni Governor Boboy ang mga kapulisan dahil sa mababang crime rate sa bayan ng Magallanes, bagay na aniya’y sumasalamin sa maayos na pagpapatupad ng batas at aktibong pakikipag-ugnayan ng mga pulis sa munisipyo.
Matapos ang Magallanes, sunod-sunod na ring binisita ng gobernador ang mga himpilan ng pulisya sa mga bayan ng Bulan, Irosin, Matnog, Sta. Magdalena, Barcelona, Bulusan, Gubat at Prieto Diaz kung saan personal niyang kinausap at binigyang direksyon ang mga uniformed personnel hinggil sa kanyang layunin na mapanatiling ligtas at mapayapa ang buong lalawigan ng Sorsogon.
Sa bawat istasyon, muling iginiit ni Governor Boboy ang kahalagahan ng police visibility, maagap na pagtugon sa anumang insidente, at pagpapatibay ng relasyon ng kapulisan sa mamamayan upang mapanatili ang tiwala ng publiko at maiwasan ang kriminalidad.
Binigyang diin din ng gobernador na malaking bagay para sa mga Sorsoganon ang maramdaman na ligtas sila sa kanilang mga bayan, lalo na ngayong patuloy ang pagbubukas ng iba’t ibang aktibidad pangkabuhayan at pang-edukasyon sa lalawigan.